Ang Entrans Eksam

7:17 PM



Isang araw noon, di ko matandaan ang petsa, ewan ko kung bakit pumasok sa isip kong ilakad ang sariling paa patungong Our Lady of the Snows Institute. Basta, mag-te-take daw ng entrance exam. Fresh graduate ako sa elementarya. Tama, elementaryang punong-puno ng katatawanan at iyakan ni Bea at Queen Ann. Balik tayo sa pag-te-take ko ng exam. Pumasok ako ng school, assorted ang mga mukha. Mukhang mayanan, matalino at ang pag-tatakang mayroong Arabu. Tama, pagbabalik tanaw ito. Di ko pa noon kilala ang kahit konting profile ng bawat isa liban sa mga elementary classmates kong angat ang mga appeal. 

Umakyat kami sa second floor ng skul. Hinati ang mga estudyanteng may balak na mag-take ng exam sa dalawa. At sa kabutihang palad, ang pangalan ko'y nasa room na nasa kaliwang banda. Ewan ko kung bakit parang tatalon ako sa tuwa nang nalaman kong nasa kaliwang room ako eh wala rin namang nagsabi na mas angat ang kaliwa sa kanan o mas angat ang may mas maraming estudyante kesa sa mas maliit. Umupo ako sa upuan, kahoy iyon na ewan ko kung matibay o hindi. Napa-OMG ako nang malamang wala akong extra sheet para sa solving ko sa Math. Umikot ang ulo ko sabay detect sa kung sinoman ang merong papel. At doon, napa-point ang laser na effects ng vision ko sa isang matabang bagay. Buti't hindi ko pinagana ang laser beam power ko at ordinaryong ilaw lamang ang activated ng araw na iyon, kundi nag-amoy ng crispy pata sa room na di sa oras. Balik tayo sa hindi birong usapan. Humiram ako ng papel, siguro ay sa takot nya ay nagbigay agad. Maangas kasi ang dating ko noon. Parang isang lobong nae-excite na lumabas sa Twilight (the movie) ni Stephenie Meyer. Crisnnie ang pangalan ng babae. Buti at hindi naging "p" ang pumalit sa "n" sa pangalan nya kundi eh magtutunog malutong iyon.


Natapos ang entrance exam na di ko alam kung sindami ng buhok ng isang kalbo ang o kaya'y parang bilang ng koko sa kamay ng taong inborn nang walang kamay ang mga nasagutan ko. Ah basta, wala pa akong alam noon. Parang wala namang taghiyawat na tumubo sa pisngi ko dahil sa pamomroblema sa mga bilang ng di ko nasagutan nang mga panahong iyon. 



Sa paglabas namin, bawat isa ay may kanya kanyang classification kung alin sa mga bilang ng tanong ang easy, moderate at difficult -- at meron pa pala, ang bilang kung ano ang KINOPYA, ang iniminiminimaynimo (parang tongue twister) at ang pinakakabog, LEFT IT BLANK. Nag-uusap ang mga batang may pangarap pumasa, pero ako ay parang isang batang taas noo. Ewan ko. Hindi ko na matandaan. 



Bumungad nanaman sa mata ko ang Arabo DAW. Na kasama ang tiyahin DAW. Na valedictorian ng paaralang elementarya ng San Juan DAW. Na nakilala sa Boy Scout nila DAW habang papunta akong room namin noong Grade 6 (nag-graduate ako ng elementary sa paaralan ding iyon). DAW ang lahat ng naging dulo ng bawat pangungusap na binibitawan ng mga --- ano tawag do'n? --- ah basta, TSISMOSA kung sa sariling bersyon ng isang batang 7 years old ng Tondo. 



Maraming mga mukha. Mga estudyante, guro at maging mga NANAY ng ibang examinee. Dinadalhan sila ng juice, pinapaypayan at kinukumusta. Ewan ko kung bakit tingin ko noon sa sarili ko ay nasa isang disyerto. Hindi dahil sa naghahanap din ako ng juice ng kagaya ng sa kanila, pero sa tingin ko ay isa akong uhaw sa presensya ng magulang sa bawat yapak ko sa pagbuo ng aking pangarap. 



Lumabas ako ng gate. Naglakad. Tumakbo. Hiningal. Nagpatuloy hanggang marating ang crossing papuntang papuntang Tamulalod (barangay namin). Naghintay. Umupo. Tumayo. Umupo. Tumayo. Umupo. Tumayo. Paulit-ulit? Pumara. Sumakay. Nag-isip. Ako'y nasa bahay na! Dinukot ang lahat ng pera sa bulsa at ibinigay lahat sa drayber. Hindi sa mayaman ako't ang lahat ng pera ko ay naisipan kong ibigay sa drayber, basta't ang alam ko lang ay P7.00 ang laman ng bulsa ko, pamasahe lamang. (MARK LEO HAPITAN/Student Writer)

You Might Also Like

0 comments