Puppy Love, Isang Epidemya

7:12 PM


Puppy love, nagtutunog aso. Pero lingid sa kaalaman ng iba, ito ay tila isang nakakahawang sakit sa school campus ng OLSI noong hayskul kami. Hindi ito mapigilan ng kahit anomang gamot, hindi ito made-detect ng kahit anomang thermoscanner at higit sa lahat, hindi ito basta-basta malalaman ng awtoridad ng campus. Mawala man sa uso ang ubo at sipon, lagnat at pananakit ng katawan at ano pamang sakit na kayang gamutin ng doktor at albularyo, ang virus ng puppy love ay contagious. Mas malala sa SARS, A H1N1 at iba pa. 


Alerto ang lahat ng estudyanteng lalaban upang panatilihin ang puppy love, lalo na yung mga may tinatawag na boypren na hindi manlang inisip ang posibleng isipin ng iba. Hindi ako maghahayag ng pangalan ng tao dito para narin sa kanilang privacy at dahilan rin na baka mapatay tayo.


Nag-umpisa ang campus puppy love sa classroom namin. First year kami noon. Tila ba isang agilang gigil na gigil sa paghahanap ng mabingwit nyang sisiw ang classmates naming parang tinamaan ng epilepsy. Merong isang malagyan na yata ng magnet ang kamay dahil pilit na ipinapasok parin ito sa maliit na butas ng pader na hangganan ng room namin at ng third year mahawakan lang ang kamay ng boypren. Merong nagtatago sa likod ng kurtina, may ibang nasa likod ng pintuan at ewan ko kung ano pa dahil pinapalabas kami ng room sa tuwing may dating (deyting) affair sa loob ng silid-ibigan, este silid aralan.

May mga love letter na kumakalat, may mga nagpapatulong na gumawa nito at sa design ng card, may mga taong nakatoka dyan. Nakakatawang isipin na sa edad naming iyon, ang salitang "grammar" ay wala pa sa bokabularyo namin dahil kung babalik-tanaw tayo, ganito ang maaaring maging laman ng sulat:

Dear Robinhood,

         First of all, I would like to great you depending on the time when you received this letter... Bla! Bla! Bla!

Dyan nagsisimula ang sulat ng iba. Ang line na ito ay tila nga't makikita mo talaga sa kahit kaninong panimula ng sulat ng kahit sinong first year. Nakakatawa mang "great" ang nagamit imbes na "greet", atleast nag-try alang-alang sa tinatawag nilang love.

 Sa Valentine's Day, first year ang lahat ng sangkot.

Nagpaparamihan sila ng bulaklak na mabibili mo tatlumpiso kada isa sa labas ng campus. Parang ganun ang bersyon ng kompetisyon ng iba sa pagpaparamihan ng followers sa Twitter at friends naman sa Facebook.



Naubos ang mga baon ng iba sa kababayad doon sa nagsisilbing tagabasa ng letter sa mic. Bale sa limampiso mo, maririnig na ng lahat ng estudyante ang anomang gusto mong sabihin. Sigawan, tilian at kilig ang pumapaibabaw ng mga panahong iyon.

Napakabilis ng panahon sa pagdating ng recognition day at tila nga't still on ang virus ng puppy love. Pero ano paman ang iisipin ng iba, parte iyon ng "growth and development" ng isang bata. Basta't nariyan lang ang gabay ng magulang, tanggap iyon bilang isang magandan aral pagdating sa pagpili ng tunay na pagmamahal. (MARK LEO HAPITAN/Student Writer)

You Might Also Like

0 comments