Byaheng Outreach

11:41 PM

Sa paskong dumadating sa ating mga Pinoy, tila nga at likas na para sa atin ang makatanggap ng regalo. Maaaring galing kina ninong at ninang, nanay at tatay o maging kina lolo at lola. Ngunit sa mga ngiting gumuguhit sa bawat labi ng nabibigyan ng regalo, hindi pala natin alam na may mga espesyal na tao tayong nakakalimutan. Espesyal dahil kahit limot man sila ng karamihan ay inaalala naman sila ng iba.


Sa unang araw ng aming Christmas vacation, hindi talon sa tuwa o gala sa kung saan-saan ang una naming inatupag kundi isang paglingon muna sa mga nangangailangan ng tulong at upang magpabatid sa kanila ng tunay na kahulugan ng paskong Pilipino.

Bago paman sumikat ang matirik na araw ay nadatnan ko na ang mga bumubuo ng aming team sa tiangge sa labas ng unibersidad, nag-aantay sa iba pang sasama sa byahe para sa isang Outreach Program sa barangay ng Aglalana, municipalidad ng Dumarao. Ang pakay namin ay bisitahin ang mga kapatid naming mga Ati sa bukirin ng Aglalana na kung saan doon ay magbibigay kami ng mga mumunting pamasko at kasiyahan na parang-para talaga sa kanila. Nang nakompleto na ang aming team, sakay ang isang 4x4 truck, agad naming tinungo ang lugar hanggang sa marating namin ang Aglalana Elementary School. Nagdesisyon ang drayber ng aming service na iwanan kami dahil sa medyo mahirap daw para sa kanya ang pagpasok sa destinasyon. Naglakad nalang kami hanggang sa marating ang isang konkretong Baptist chapel. Kasama ang kapitan ng barangay, doon huminto ang aming team sa kapilya. Pagod at uhaw ang aming naramdaman sa pag-pasok sa kapilya na kung saan doon namin inipon ang lahat ng ipamamahagi. Isang aleng may dalang bata ang nagbukas ng pinto para sa amin.

Laking pagtataka ang gumuhit sa aking mukha ng marating ko ang lugar. Hindi ko naiwasang magtanong sa isip kung saan na ang tinatawag nilang Ati ng Aglalana. Pero bago paman namilog ang ulo ko sa kaiisip kung nasaan sila ay buti at dumating naman kaagad ang lider ng tribu ng mga Ati. Laking gulat ko na siya ay naka-motorsiklo at sa kalaunan ay nadiskobre kong gumagamit din pala sya ng cell phone. Doon ko natanto na tila humahabol din pala sila sa mabilis ng pag-usad ng panahong makabago.

Dahil sa maraming ginagawa ang lahat, ang kapitan na ang nagpabatid sa lider ng tribu ukol sa aming pakay. Isang nakakatuwang pagtanggap ang nagbigay sa amin ng tuwa upang ipagpatuloy ang aming hangarin.

Makalipas ang ilang minuto, dumating naman kaagad ang mga Ati -- bata, matanda, may asawa man o wala. Sila ay mga maiitim at may mangilan-ngilan namang kulay bisaya. Doon ko nakita ang galak na pumorma sa mukha ng bawat isa.

Sa una ay hiya pa ang bumalot sa mga bata na makikipag-usap sa amin. Pumukaw sa aking mga mata ang isang batang tila iba. Doon ay niyaya ko syang makasama sa isang picture-taking. Hindi tulad sa iba, wala akong narinig o naaninag sa kanyang mukha ng pagtanggi. Sa galak na aking naramdaman dahil sa pagpayag nyang kami ay magpapa-picture, huli ko na lamang nalaman na isang bulag pala ang batang iyon nang kinumperma ng kanyang kapatid sa akin. Hapdi ang bumalot sa aking puso. Sa pakikipag-usap ko ang kanyang ina, doon ko nalamang inborn pala ang dinaramdam ng kanyang anak.

Nagsimula ang aming simpleng programa na pinangunahan ng isa sa myembro ng aming team. At kahit ingay at bulong-bulungan ng mga Ati ang bumalot sa buong kapilya habang may nagsasalita sa harap, alam kong ingay iyon ng hindi masabing galak sa aming pagbisita. Naging mataas ang aking paghanga sa kanila nang narinig kong tumugtog ng gitara ang isang lalaking Ati. Sa pagkakaalam ko ay tila 'sugatang puso' ang nais ipabatid ng kanyang tugtog. Nabalot ng palakpakan ang kapilya, palakpakan ng kanyang kapwa Ati at maging sa mga myembro rin ng aming team. Kung may sariling camera lang sana akong dala, tiyak na hahakot iyon ng maraming views sa Youtube.

Sa aming paglabas sa kapilya, kitang-kita ko ang gigil sa mukha ng mga kabataan sa inihanda naming mga laro. Doon ko nakita na tunay nga at dama na nila ang pakay namin, ang hugisan ng ngiti ang kanilang mga mukha sa aming dalang kasiyahang. Sack Race, Duck Waddle Race, at Paint Me a Picture, ilan lamang ito sa mga humubog sa malakas na tawa nila at maging ng aking mga kasamahan. Doon ko naramdamang sa kabila ng payak na pamumuhay na kanilang tinatamasa sa bundok, nakuha parin nilang tumawa, tawang kailanman ay hindi maaaring bawiin gamit ang malaking halagang kimkim ng gobyerno para sa kanila. 

Ipagpapatuloy...

You Might Also Like

0 comments